KIDAPAWAN CITY – Kontrolado na ng mga rebeldeng New People’s Army ang 2,000 barangay sa mga liblib na bayang sakop ng Mindanao.
Ito ang tala na ipinarating kahapon sa NGAYON, ni Ka Oris, spokesman ng National Democratic Front (NDF) sa Mindanao, ay taliwas sa ipinahayag ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na paliit na nang paliit ang masa ng kanilang grupo.
Sa pagdiriwang ng ika-39 anibersaryo ng NPA bukas (Marso 29), sinabi pa ni Ka Oris, na aabot sa 20 tactical offensive ang nailunsad ng NPA simula pa Enero 2008.
Simula 2006, aabot sa 200 de-kalibreng armas ang kanilang nakumpiska mula sa mga raid na isinagawa sa iba’t ibang panig ng Mindanao.
Kabilang na ang raid sa Davao Penal Colony sa bayan ng Sto. Tomas, Davao del Norte; Cantilan, Surigao del Norte; Lawan-Lawan, Las Nieves, Agusan del Norte, Barangay Bituan, Tulunan, North Cotabato; Valencia, Bukidnon; at sa Upper Bautista, Sapang Dalaga, Misamis Occidental.