4 dedo sa road mishap
CAMP VICENTE LIM, Laguna – Karit ni kamatayan ang sumalubong sa apat na tinedyer, samantalang walo naman ang nasugatan makaraang sumalpok ang kanilang sinasakyang Asian Utility Vehicle (AUV) sa concrete electric post sa bayan ng Famy, Laguna noong Sabado ng gabi.
Kabilang sa mga nasawing biktima ay sina Irene Pagalanan, 14, ng Mabitac, Laguna; Kristine Joy Abusejo, 15; Miko Gagarin, 14, ng Paete, Laguna at isang dalaga na nakilala lamang na Michelle.
Sugatan naman ang drayber ng AUV na si Rodolfo Sulapco, Jr., 18, ng Barangay Labuin, Sta. Cruz, Laguna; Aj Agarao, 22; Jay-Kell Canlas, 22; Jonathan Canlas,18; Johndy Enriquez, 23; Mark Angelo Torsellino,17; Mark Joseph Bermudez, na pawang mga residente ng Pagsawitan, Sta. Cruz, Laguna at Ira Dalhag, 14, ng Paete, Laguna.
Ayon kay P/Senior Supt. Felipe Rojas, Jr., Laguna police director, dumalo sa birthday party ang mga biktima at papauwi na sana sa bayan ng Sta. Cruz, Laguna mula sa bayan ng Mabitac sakay ng kulay maroon na Mitsubishi Adventure (VDZ-701) nang maaksidente sa kahabaan ng highway na sakop ng Barangay Batuhan, bandang alas-6 ng gabi
Sa salaysay ng drayber sa mga imbestigador, tinangka n’yang mag-overtake sa kotseng nasa harap nila nang mawalan ito ng control sa manibela pagsapit sa kurbadang bahagi ng highway at tuluy-tuloy na bumangga sa kongretong poste ng kuryente sa gilid ng kalsada. (Arnell Ozaeta)
- Latest
- Trending















