CAMP CRAME – Tatlumput dalawang atleta ang isinugod sa ospital makaraang malason sa kinaing pansit at adobong baka kamakalawa ng gabi sa lalawigan ng Antique.
Kasalukuyang nasa Antique General Hospital ang mga biktimang mag-aaral sa elementary at hayskul na kalahok sa Western Visayas Regional Athletic Association Meet.
Nabatid na isang linggo nang nananatili sa Antique National High School ang mga biktima para sa kanilang training sa naturang athletic meet.
Napag-alamang nananakit ang tiyan, nahilo at nagsuka ang mga estudyante makaraang kumain ng pansit at adobong baka bilang hapunan. Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa nabanggit na insidente. (Danilo Garcia)