BULACAN — Malagim na kamatayan ang sinapit ng isang flight instructor at estudyante nito makaraang bumagsak ang sinasakyan nilang 2-seater plane sa bisinidad ng Barangay Agnaya sa bayan ng Plaridel, Bulacan kahapon ng umaga.
Hindi na nailigtas pa ng mga residente ang mga biktimang sina Capt. Mike Bernardo at Kousheid Mohan, 19, Indian student pilot matapos na bumagsak at magliyab ang sinasakyang Cessna CC150 na may registry # RPC-1129 at pagmamay-ari ni Arnold Amano Sr. ng Flightline Aviation Corporation na nakabase sa Barangay Lumangbayan, Plaridel.
Sa sketcy report na nakarating sa Air Transportation Office (ATO), naitala ang insidente dakong alas-10:27 ng umaga matapos lumipad ang nasabing eroplano mula sa Plaridel Airport para sa training flight.
Kinumpirma ng ATO na dalawa lamang ang sakay ng nasabing private plane base sa hawak nilang flight plan at point of origin.
Nabatid na nagulat na lamang ang mga residente nang makitang bumulusok ang nasabing eroplano at bumagsak.
Sa ulat na isinumite kay P/Senior Inspector Victor Bernabe, tinangka ng mga residente na apulahin ang malaking apoy upang iligtas ang mga biktimang nasa loob pa ng eroplano subalit tuluyang nilamon na ng apoy ang dalawa.
Mabilis na nagresponde ang mga tauhan ng pulisya sa nabanggit na barangay upang kordonan ang crash site.
Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang ATO sa pagbagsak ng naturang private plane.
Matatandaan na noong Hulyo, 2007, dalawang eroplano rin ng Cessna ang bumagsak sa bahagi ng Barangay Ligas, Malolos City, Bulacan matapos na magsalpukan sa ere na ikinasawi ng isang flight instructor at dalawang Indian student pilot.