Cebu – Limang ‘di pa nakikilalang kalalakihan ang nanloob sa isang bodega ng mga beer at softdrinks sa Sitio Ceres, Barangay Gun-ob Lapulapu City kahapon ng umaga at nakuha ang P.3 milyong salapi at mamahaling mga alahas.
Ang nasabing bodega ay pag-aari ni Samson Go at ipinagkakatiwala sa kanyang anak na si Mildred Go Cubillan.
Ayon kay SPO1 Andres Gahi ng Theft and Robbery Section ng Lapulapu City Police Office, kabubukas palang ni Cubillan sa bodega nang magsidatingan ang limang ‘di kilalang lalaki habang may isa pang nakamasid sa loob ng isang taxi sa ‘di kalayuan.
Dahil sa inakalang kustomer ang mga suspek ay pinapasok ito ni Cubillan ngunit laking gulat na lang nito nang biglang magsibunot ng mga baril ang lima at saka nagdeklara ng holdap.
Dali ring ipinag-utos ng mga ito na buksan ang cash register ni Cubillan ngunit dahil sa pagdadalawang isip ay hi nambalos ng isang suspek ng baril sa ulo ang biktima.
Madali ring nasamsam ng mga ito ang perang tinatayang aabot sa P.3 milyon pati na ang mga mamahaling alahas na nagkakahalaga ng P100,000, ayon sa pulisya bago nagsibalikan sa naghihintay na taxi. (Edwin Ian Melecio)