3 bata magkayakap nang malitson

Natusta  ang  katawan ng tatlong magkakapatid na batang lalaki nang maku­long sa loob ng nasusunog nilang tahanan sa Ba­rangay Ka­ingin, La Paz District,  Iloilo City kahapon ng  umaga.

Kinilala ang mga na­sawing magkakapatid na Aligoro ang apelyido na sina Vincent, 6; Christian, 5 at Ron Robert, 3.

Ang nalitsong bangkay ng mga ito ay natagpuang magkakayakap pa sa loob ng nasunog nilang tahan­an.

Batay sa ulat ng Police Regional Office-6, naganap ang insidente sa loob ng tahanan ng pamilya Aligoro sa nasabing barangay na  pinaninirahanan ng mga squatter bandang alas-6:00 ng umaga.

Ayon sa imbestigasyon, nagulantang na lamang si Reynalda Aligoro, ina ng mga biktima matapos na lamunin ng apoy ang kani­lang tahanan.

Sa matinding takot ay na­gawang makatakbo ng gi­nang palabas sa nasu­sunog nilang tahanan bitbit ang bunso nitong si Justin na tat­long buwang sanggol pa lamang.

Gayunman, nabigo ang ginang  na mailigtas ang tatlo pa nitong paslit na anak dahil masyado nang malaki ang apoy at tuluyan ng nakulong sa sunog ang mga paslit.

Wala naman ang ama ng mga biktima na si Raffy nang maganap ang insi­dente.

Nadamay rin sa sunog ang mahigit sa lima pang kabahayan na pag-aari ng mga kapitbahay ng pamilya Aligoro. (Joy Cantos)

Show comments