ZAMBALES – Naging inutil ang executive order ni Zambales Governor Amor Deloso na nag-aatas sa kapulisan para sa full scale crackdown laban sa lahat ng pasugalan makaraang muling mamayagpag sa 13-bayan ng Zambales ang jueteng na ginagamit ang pekeng small town lottery (STL).
Nabatid na nagpalabas ng kautusan si Gov. Deloso noong Enero na inaatasan ang provincial police office sa pamumuno ni P/Senior Supt Roland Felix at maging ang mga alkalde na magsagawa ng malawakang operasyon laban sa jueteng subalit naging panandalian (ningas-kugon) ang kampanya laban sa jueteng.
Lumilitaw na ginagamit ng mga jueteng lord ang pekeng STL kung saan gumagamit din ang mga kubrador ng papelitos na may stamp ng PCSO upang iligaw ang mga mananaya na ligal ang kanilang number game. Na dalawang beses kada araw ang pagbola.
“Ang ipinagtataka ko lang ay saan nila kinukuha ang bola ng tumamang numero samantalang wala namang recognized STL outlet dito sa bayan ng San Narciso,” pahayag ng isang konsernadong mamamayan.
Sa nilagdaang kautusan ni Gov. Deloso, inaatasan ang kapulisan at mga alkalde na pahintuin ang lahat ng uri ng sugal sa kanilang nasasakupang bayan, subalit taliwas naman ito sa nakikita ng mga residente na naglipana pa rin ang mga kolektor ng jueteng. (Alex Galang)