CEBU – Hindi na umabot sa araw ng kanyang kasal ang isang 19-anyos na babae na pinaniniwalaang buntis ng dalawang buwan makaraang tumalon sa bangin na sakop ng Barangay Calumpang sa bayan ng Oslob, Cebu noong Linggo.
Kinilala ng pulisya ang biktimang si Jane Gercillea ng Daanbantayan at pansamantalang nakikitira sa bahay ng kanyang mapapangasawa na si Gionneve Sormeon, 20, ng nabanggit na barangay.
Pansamantalang walang masilip na motibo ang mga imbestigador ng pulisya sa nagpakamatay na biktima, subalit ayon kay SPO4 Isagani Tinapay ng himpilan ng pulisya sa Oslob, bago maganap ang insidente ay magkasamang nananghalian sa karinderya si Gercillea at Sormeon at namataan ding magkasamang umuwi.
Ayon kay Sormeon, habang sila ay nagpapahinga sa kanilang bahay ay ‘di-nito napansing lumabas ang babae papunta sa bangin na may 200 metro lamang ang layo mula sa kanilang tinitirhan.
Sinubukang sundan ni Sormeon kasama na ang kanyang batang kapatid na babae at sinubukang kumbinsihin na huwag gagawa ng masama.
Subalit sa halip na sumunod ay ibinigay ng babae ang hawak nitong kutsilyo, relos at tsinelas sa nakababatang kapatid ng mapapangasawa.
Pinagsabihan ng babae ang mag-utol na kung maghahanap ang kanyang mga magulang ay ipagbigay alam na patay na ito at kasabay nito ay biglang tumalon sa bangin ang biktima.
Nagkalasug-lasog ang katawan ni Gercillea nang tumama sa binagsakang batuhan subalit sinubukan pa itong isugod sa Oslob District Hospital pero idineklarang patay.
Ayon sa pulisya, dalawang araw na ang nakakalipas nang ipagbigay-alam ni Gercillea sa kanyang kasintahan na may mabigat itong problemang hindi niya kayang sabihin kaninuman.
Ayon kay PO2 Nelson Saquibal, base na rin sa resulta ng awtopsiya ng municipal medico-legal officer ay dalawang buwang buntis si Gercillea.