CAVITE – Pinaniniwalaang hindi nagparaya ang bawat isa at pagiging mainitin ang ulo, ang isa sa ugat kaya kapwa namatay ang isang miyembro ng Phil Navy at alalay ng vice mayor na nagkabarilan dahil sa gitgitan sa trapik sa Barangay Carsadang Bago sa bayan ng Imus, Cavite kamakalawa ng gabi.
Kinilala ng pulisya ang dalawa na sina Huberto Butingan, 56, drayber/bodyguard ni Vice Mayor Mandy Ilano ng Imus, ng Villa Nicasia Subd. sa Barangay Bayan Luma 2 at si Dante Sablong, 40, kawal ng Phil. Navy, ng Blk 14 Lot 5 Real Homes sa Brgy. Alapan Imus.
Sa ulat na isinumite kay P/Supt Ulyssess Cruz, naitala ang insidente bandang alas-6 ng gabi kung saan si Butingan ay sakay ng owner-type jeep na may plakang DJX 927 habang si Sablong naman ay lulan naman ng owner-type jeep (VBD-758).
Nabatid sa ulat na nagkagitgitan ang dalawa matapos mag-overtake si Butingan sa sasakyan ni Sablong.
Ayon sa ilang nakasaksi sa insidente, kapwa huminto ang dalawa at bumaba sa kani-kanilang sasakyan saka nagkagirian na humantong sa barilan.
Wala namang naglakas ng loob na umawat sa dalawa sa takot na madamay hanggang sa kapwa bumulagta kaya naisugod sa ospital.
“Akala mo kasi mga hari ‘yung dalawa na hindi tinatablan ng bala, kaya nagbarilan eh,” pahayag ng isang nakasaksi.