BULACAN – Brutal na kamatayan ang sinapit ng mag-utol na matandang dalaga sa loob ng kanilang bahay makaraang looban at pagtulungan saksakin ng mga ‘di-kilalang kawatan kamakalawa ng gabi sa Barangay Balubad, Bulakan, Bulacan.
Sa pagitan ng alas-9 hanggang alas-10 ng gabi noong Lunes pinaslang ang mag-utol na sina Fredelicta Santos, 79; at Lutgarda Santos, 77.
Ayon kay P/Chief Inspector Dale Soliba, hepe ng pulisya, nadiskubre lamang ang krimen bandang alas-8 ng umaga kahapon matapos maghinala ang mga kaanak ng dalawa na hindi pa nagbubukas ng kanilang tindahan na dati’y maagang ginagawa.
Dahil sa kahina-hinalang katahimikan ay pinasok ng mga kaanak ang bahay ng mag-utol hanggang sa ma tagpuan ang duguang bangkay ng matandang Santos sa sariling kuwarto habang ang nakakabatang Santos naman ay sa palikuran na kapwa sinaksak.
May teorya ang pulisya na pagnanakaw ang isa sa motibo subalit patuloy pa ang imbestigasyon para matukoy ang tunay na motibo. (Dino Balabo)