CAMP VICENTE LIM, Laguna – Hindi na umabot pa ng buhay sa ospital ang isang barangay chairman makaraang pagbabarilin ng nag-iisang gunman habang nakikipaglibing sa yumaong kaibigan sa Barangay 2 sa San Pablo City, Laguna kahapon ng umaga.
Kinilala ni P/Senior Supt. Felipe Rojas, Jr., Laguna provincial director, ang biktimang si Proven ciano Marco, 53, ng Barangay Atisan sa nasabing lungsod.
Ayon sa ulat, naglalakad lang ang biktima habang nakikipaglibing sa isang kaibigan nang tabihan at pagbabarillin ng isang ’di-kilalang lalaki pagdating mismo sa harap ng sementeryo sa Leonor St. bandang alas-10:15 ng umaga.
Mabilis na nakatakas ang gunman matapos humalo sa mga nagtatakbuhang tao hanggang sa tuluyan na itong maglaho.
May teorya ang pulisya na politika at personal na dahilan ang sinisilip ng mga awtoridad na motibo ng pamamaslang.