BATANGAS – Brutal na kamatayan ang sinapit ng isang dalagang dentista makaraang gilitan ng hindi pa nakikilalang lalaki sa loob mismo ng kanyang klinika sa Lipa City, Batangas, may ilang araw na ang nakalipas, ayon sa ulat. Kinilala ni P/Supt. George Dadulo, hepe ng Lipa PNP, ang biktimang si Dr. Mary Joy Duroy, 29, ng Sitio Maligaya, Barangay Pinagtungulan, San Jose, Batangas. Ayon sa report, pasado alas-2 ng hapon ng makatanggap ng tawag ang Lipa police station mula sa isang concerned citizen matapos mamataan ang isang lalaki na may mga bahid ng dugo sa damit at papalabas ng klinika ni Dr. Duroy sa CM Recto St. corner Capt. Simeon Luz Street, Barangay 6, Poblacion. Nang rumesponde ang pulisya, natagpuan ang duguang katawan ng biktima na laslas ang leeg at basag ang bungo. Robbery ang inisyal na sinisilip sa motibo ng pagpatay sa biktima nang hindi na matagpuan ang celfone nito sa kanyang klinika. (Arnell Ozaeta)