CAMP SIMEON OLA , Legazpi City – Isang 12 anyos na batang babae ang ginahasa at pinatay ng dalawang suspek sa Barangay Bara, Milagros, Masbate kahapon ng madaling-araw.
Nakilala ang biktima na si Celeste Rorado, 12, isang grade 5 pupil at residente ng Sitio Agoho, Barangay Malbag, Cawayan ng naturang lalawigan.
Nadakip naman ng pulisya ang mga suspek na sina Lolito Langurayan, 19, may asawa, mangingisda at residente ng Sitio Aguadahan, Sawmill, Milagros; at Rene Bais, 28, may asawa at residente ng Sitio San Francisco, Barangay Tinago, Milagros.
Ayon sa ulat ng pulisya, ang bangkay ng biktima ay natagpuan dakong alas- 3:00 ng madaling-araw na nakahandusay sa loob ng campus ng Barangay Elementary School ng naturang barangay.
Nabatid na ang biktima ay naglalakad na nag-iisa papauwi sa kanyang bahay matapos na ito ay manood ng palabas sa plaza dahil sa kapistahan ng naturang barangay.
Nasalubong ng mga suspek sa daan ang biktima hanggang kaladkarin nila patungo sa loob ng campus ang bata bago ginahasa at pinaslang.
Napag-alaman na ang biktima ay nagtamo ng saksak, taga at basag ang ulo nito na tinatayang hinampas ng bato ng mga suspek upang tuluyang mapatahimik matapos silang makilala nito.
Sa kasalukuyan, ang dalawang suspek ay nakakulong sa himpilan ng pulisya at inihahanda na ang pagsasampa ng kasong rape with homicide laban sa mga ito. (Ed Casulla)