Camp Vicente Lim, Laguna – Matapos maiulat na nawawala nang anim na araw, natagpuan na rin kamakalawa ang mga bangkay ng isang kapitan ng barko at isang crew nito habang palutang-lutang sa karagatan ng Oriental Mindoro.
Kinilala ni Oriental Mindoro Police Director Senior Superintendent Agrimero Cruz ang mga biktimang sina Elmo Atiga, 53, kapitan ng M/V Tugboat at ang oiler na si Michael Flores, 36.
Ayon kay Col. Cruz, natagpuan ang bangkay ni Atiga sa karagatang malapit sa Barangay Tambong sa bayan ng Gloria bandang alas-9:00 ng umaga samantalang natagpuan naman ang bangkay ni Torres 100-metro ang layo sa baybayin ng Barangay Pili sa bayan ng Pinamalayan, Oriental Mindoro.
Bukod sa naaagnas na, nakitaan ng mga sugat mula sa tama ng baril ang bangkay ng dalawang biktima na posibleng naging sanhi ng kanilang kamatayan. (Arnell Ozaeta)