BATAAN – Apat na sibilyan ang iniulat na namatay samantalang sampung iba pa ang nasa malubhang kalagayan makaraang magsalpukan ang dalawang sasakyan sa kahabaan ng highway na sakop ng Barangay Rosevelt sa bayan ng Dinalupihan, Bataan kahapon ng madaling-araw.
Ayon kay P/Senior Insp. Rogelio Rillon, hepe ng Dinalupihan PNP, idineklarang patay sa Jose Payumo District Hospital ay sina Consolacion Morales, Alvina Bruno at si Ofelia Canonesado na pawang nakatira sa Sitio Pantog, Barangay Sta. Juliana, Capaz Tarlac City ay namatay naman sa Gordon Hospital sa Olongapo City habang ginagamot at patuloy naman kinikilala ang isa pang nasawi.
Nasa kritikal na kondisyon at inoobserbahan sa James Gordon Hospital ay sina Eddie dela Cruz, Darna Evangelista, Edward Bayan, driver, Carmela dela Cruz, Arlene Bayan, Olive Canonesado at Irine Morales habang nasa Jose Payumo Distirct Hospital naman sina Lotsie Morales, Rolando Evangelista at Michele Evangelista.
Ang iba naman sibilyan na nagtamo ng kaunting sugat sa katawan at ligtas sa kapahamakan ay pinalabas na ng ospital.
Sa imbestigasyon ni SPO3 Julian Macarobo, binabagtas ng pampasaherong jeepney (CXC-300) ni Edward ang kahabaan ng national road mula sa Tarlac patungong Olongapo City nang mag-overtake sa sinusundang sasakyan.
Gayon pa man, hindi napansin ng drayber ng jeepney ang kasalubong na cargo truck ng Fedex (FWL-632) ni Danny Baba, 36, ng Meycauayan Bulacan kaya naganap ang trahedya.
Napag-alamang patungo sana sa kapistahan ang mga biktima sa Sitio Poon Bato, Botolan, Zambales nang salubungin ni kamatayan.
Samantala, overloaded ang jeepney na may lulang 42-pasahero kabilang ang 29-Aeta na karamihan ay mga bata. (Dagdag ulat nina Joy Cantos at Alex Galang)