Abogado tiklo sa pangingikil
Ipinagpalit ng isang abogado ang kanyang propesyon sa halagang P50,000 makaraang masakote sa entrapment operation ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation dahil sa pangongotong sa isang opisyal ng pulisya sa bayan ng Mabalacat, Pampanga may ilang araw na ang nakalipas.
Pormal na sasampahan ng kaukulang kaso ang suspek na si Atty. Amado Gazmin, may ranggong kapitan sa pulisya at legal officer sa Regional Police Legal Service,
Sa imbestigasyon ng pangkat ng Background Investigation Division sa pamumuno ni Head Agent Arnold Lazaro, dinismis sa serbisyo si PO2 Louiesito Luna Pring dahil sa kasong absence without official leave (AWOL).
Ayon sa NBI, nag motion for reconsideration si Pring sa Regional Police Legal Service subalit hiningan ito ni Atty. Gazmin ng P50,000 kapalit ng reinstatement sa serbisyo.
Bunsod nito’y, nagsumbong si Pring sa NBI Central Luzon Regional Office (CELRO) kaya ipinagplanuhan ang entrapment operations.
Sa loob ng fastfood chain sa Dau, Mabalacat inaresto si Atty. Gazmin matapos maaktuhang inaabot ni Pring ang marked money na nakalagay sa envelop.
Si Atty. Gazmin ay kasalukuyang nakadetine sa NBI detention cell matapos na sampahan ng kaso sa Department of Justice Task Force on Special Cases dahil sa paglabag sa Republic Act 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practises Act) at Article 210 (Direct Bribery). (Grace dela Cruz)
- Latest
- Trending