CAMP CRAME - Upang mapabilis ang pagdurog sa mga bandidong Abu Sayyaf Group, inimplementa ang identification system sa bayan ng Patikul sa lalawigan ng Sulu na kabilang sa sentro ng opensiba ng militar.
Ito’y sa kabila ng isinasapinal pa ng pamahalaan ang pagbuhay muli sa national identification system sa buong bahagi ng bansa kaugnay ng determinadong hakbanging supilin ang terorismo at insureksyon.
Nilinaw naman ni AFP-Western Command (AFP-Westmincom ) Spokesman Major Eugenio Batara Jr., ipinatupad ng lokal na pamahalaan ang ID system sa nasabing bayan kung saan namumugad ang grupo ni Abu Sayyaf leader Radulan Sahiron, alyas Commander Putol na may patong sa ulo na P1-milyon.
Sa pakikipag-ugnayan sa mga lokal na opisyal ng pamahalaan ng Patikul ay mismong mga residente ang gumawa ng kaukulang hakbang para maipatupad ang ID system.
Sa pamamagitan ng ID system, ayon pa kay Batara, ay mapapabilis ang pagtukoy ng mga awtoridad sa lehitimong residente ng Patikul at sa mga dayuhan sa nasabing bayan.
Kaugnay nito, determinado naman ang tropa ng militar na mapababa ang puwersa ng mga bandido ng 50% na siyang target ng “Oplan Ultimatum” sa 2008.