CAMP VICENTE LIM, Laguna – Matagumpay na naaresto kahapon ng mga awtoridad ang dalawa sa apat na suspek na responsable sa pagpatay sa isang pulis-Bacoor noong Miyerkules sa isinagawang follow-up operation sa bayan ng Imus, Ca vite.
Kinilala ni P/Supt Ulysses Cruz, Imus police chief, ang mga suspek na sina Virgilio “VJ” Sapida, Jr. ng Barangay Sabang, Dasmariñas, Cavite at Wilson Bacatan.
Sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas laban kay Sapida sa naunang kaso nito, naaresto ng mga awtoridad ang suspek sa Barangay Malagasang 2-D, Imus, Cavite bandang alas-2 ng hapon habang nagsusugal ito.
“Habang nasa aktong inaaresto si Sapida, lumaban pa ito sa mga pulis hanggang sa mabaril ito sa paa,” pahayag ni Cruz sa PSN.
Kasama ring naaresto si Bacatan makaraang kilalanin ng asawa ng biktima na responsable sa krimen.
Narekober mula kay Sapida ang isang calibre 45, mga bala at magazine ng baril.
Matatandaang pinasok at pinagbabaril ng apat na armadong kalalakihan ang bahay ni PO2 Rommel Garcia sa Block 2 Lot 13 Good Family Homes, Anabu-1A, Imus, Cavite noong Enero 9 ng gabi.
Sinisilip ng mga imbestigador na may kaugnayan sa trabaho ang naging motibo ng mga suspek sa pagpaslang kay PO2 Garcia.
Nakatakdang sampahan ng kasong murder at illegal possession of firearms ang dalawang suspek, samantalang patuloy pa rin ang paghahanap sa dalawa pang kasabwat na nakatakas matapos ang krimen. (Dagdag ulat ni Tina Timbang)