40 nakuryente sa fluvial parade

PAMPANGA – Dalawa-katao ang iniulat na nasawi habang aabot naman sa 40 iba pa ang nasugatan kabi­lang na ang dalawampung nasa malubhang kondisyon makaraang makuryente at malunod ang mga biktima dahil sumabit ang arko ng pagoda sa kawad ng kur­yente sa trahedya ng fluvial parade sa Ilog ng Masantol, Pampanga, kamakalawa ng hapon.

Sa ulat ng panlalawigang kapulisan na isinumite sa Camp Crame, nakasakay sa pagoda ang patron ng  La Pu­risima Concepcion ang mga biktimang deboto bilang pagdiriwang ng kapiyes­tahan.

Lumilitaw sa inisyal na imbestigasyon, nagsimulang maglayag ang pagoda mula sa Brgy. Alauli at  ilibot ang naturang patron, subalit pagsapit sa bahagi ng Ba­rangay Caingin ay  aksiden­teng sumabit ang arko nito sa kawad ng kuryente ng Pampanga Electric Cooperative (PELCO).

Bunga ng insidente ay dumaloy ang malakas na boltahe ng kuryente sa bakal na ginamit sa pagoda kung saan nakuryente kaagad ang mga biktima.

Nagsigawan at nag-panic naman ang iba pa sa mga naki-prosesyon  na nagbal­yahan at nagtalunan sa ilog habang sumaklolo naman ang 20 bangka na escort sa pagoda.

Bandang  alas-11:15 kahapon ng umaga nang marekober ang bangkay ni Jessie Ambrosio, 32, habang hinahanap pa ang bangkay  ni Julius Valdes 12, at re­sidente ng Taguig, Metro Manila.

Kabilang sa mga na­sugatan at naisugod sa Pampanga Provincial Hospital at Our Lady of Rosary Hospital ay sina  Justin Caparas, 7; Carlos Caparas, 5; Rhea Cristel Navarro, 9; Joshua Torres, 8; Maris Carillo, 13; Louie Jay Caspe, 10; Gerald Caspe, 8; Jonalyn Caspe, 12; Bunny Tolentino, 7; Larry Sunga,19; Roberto Castro, Rhea Cristel Torres, Aldrin Torno, Rochelle Se­mentino, Jerome Dumalos at  Ariel Torno.

“Nang tumawid sa ilog ang kable ng local electric company, medyo mababa, kaya tumama sa arko ng pagoda na bakal, “ pahayag ni Masantol Vice Mayor Bajun Lacap sa isang radio interview.

Samantala, isinisi na­man ng organizer ang biglaang pagtaas ng tubig sa ilog kaya sumabit ang arko ng pagoda sa kawad ng kuryente.

Show comments