LEGAZPI CITY – Nakaligtas sa karit ni kamatayan ang 43-pasahero kabilang na ang apat na crew makaraang sumadsad sa runway ang eroplano ng Asian Spirit sa naganap na aksidente sa Barangay Nursery, Masbate City, Masbate kahapon ng umaga.
Ayon kay P/Senior Supt. Saadra Gani, Masbate police director, malakas na hangin ang isa sa dahilan kaya lumagpas sa runway ang Asian Spirit Flight number YS11 na may body number C-3592 dakong alas-7:20 ng umaga.
Sinabi ni Gani na itinulak ng malakas na hangin ang buntot ng eroplano kaya sumalpok sa pader ang nguso saka sumadsad ng limang metro lamang mula sa kalsada ng mga motorista kung saan nagkaroon ng pinsala ang aircraft.
Sa kabila nito ay maayos namang nakababa ang lahat ng mga pasaherong pansamantalang hindi naibigay ang pagkikilanlan. Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad. Ed Casulla, Joy Cantos at Ellen Fernando