2 bata nalunod
CAMP VICENTE LIM, Laguna – Malungkot ang pagpasok ng Bagong Taon para sa dalawang pamilya matapos malunod ang dalawang bata sa malalim na hukay na may tubig sa loob ng subdivision sa Calamba City kamakalawa ng umaga. Kabilang sa mga nasawi ay sina John Michael Sanchez, 7; at Luis Crisel Endozo, 4, kapwa residente ng Pacific Hills Subdivision sa Barangay Palo Alto, Calamba City. Sa ulat ni PO2 Allain Delon Ignacio, naglalaro ang mga biktima na kasama ang ilang bata nang nahulog ang jacket ni Luis Crisel sa hinuhukay na tubig at agad nitong tinalon para kunin pero nahirapan itong lumangoy dahil sa putik. Nang mamataan ni John Michael na nalulunod ang kaibigan, tinangka nitong sagipin ang kalaro at tumalon din sa tubig hanggang pareho na silang tuluyang nalunod. Kasalukuyan namang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang developer ng subdivision na CHMI Development na pag-aari ng isang Joey Gonzales para papanagutin kung may kapabayaan sa pagmimintene ng construction site. (Arnell Ozaeta)
Misis dedo sa baril ng pulis
LEGAZPI CITY - Hindi na masilayan ng isang 27-anyos na misis ang pagsapit ng Bagong Taon makaraang aksidenteng tamaan ng bala ng baril ng kanyang pulis na mister sa loob ng kanilang bahay sa Purok 3, Barangay Tula-Tula, Legazpi City kamakalawa. Hindi na umabot pa ng buhay sa Bicol Regional Training and Teaching Hospital si Sarah Jane Padilla 27, samantala, ang suspek na kaagad naman sumuko sa mga awtoridad ay kinilalang si PO1 Gregorio Padilla na nakatalaga sa Provincial Intelligence Section ng Albay PPO. Napag-alamang galing sa vulcanizing shop ang suspek nang dumating sa kanilang bahay saka ipinatong sa ibabaw ng kanilang ref, ang baril nito. Dahil sa nabasa ang kanyang baril ay nilinisan ng suspek at muling ibinalik sa ibabaw ng kanilang ref, subalit bigla na lamang itong pumutok at tamaan sa ulo ang biktimang naglilinis ng kanilang bahay. (Ed Casulla)
Biyudo todas dahil sa TV
LUCENA CITY – Isang 59-anyos na biyudo ang iniulat na nasawi makaraang matupok sa nasusunog na bahay sa panulukan ng Granja at Hermana Fausta Street sa Barangay 1, Lucena City, Quezon, kamakalawa. Kinilala ni P/Supt. Genaro Ylagan, ang biktimang si Wilfredo Rago y Labay. Sa imbestigasyon ni SPO2 German Merle, bago masunog ang bahay na pag-aari ni Antonio Nosce ay nakarinig ng malakas na pagsabog sa ikalawang palapag ng nasabing lugar bago kumalat ang apoy hanggang sa makulong ang biktima at mamatay. Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na nag-over heat na telebisyon ang pinagmulan ng sunog. (Tony Sandoval)