CAMP VICENTE LIM, Laguna – Matapos pagnakawan ang isang 20 anyos na saleslady sa loob ng restroom, ginahasa pa siya ng isa sa tatlong suspek sa loob ng plaza sa Barangay Bagumbayan, Siniloan, Laguna kamakalawa ng hapon.
Agad namang nagsumbong sa mga awtoridad ang biktimang itinago sa alyas na Hilda, dalaga, at nakatira sa Siniloan.
Mabilis namang nadakip ng pulisya ang mga suspek na sina William Kahulugan, 21, nakatira sa Barangay Pandeno; Lester Acebuque, 23, at Rodney Kahulugan, 16, kapwa naninirahan sa naturang bayan.
Positibong itinuro ni Hilda ang mga suspek na gumahasa sa kanya sa loob ng banyo.
Lumalabas sa imbestigasyon na dakong alas-3:15 ng hapon, namataan ng mga suspek ang biktima na pumasok sa loob ng comfort room na nag-iisa sa naturang plaza.
Bunga nito, sinamantala umano ng mga suspek ang pagkakataon at kaagad naman tinutukan ng patalim ang biktima.
Tinangay ng mga suspek ang halagang P5,500 buhat sa biktima subalit hindi pa nakuntento si William, isinagawa nito ang panggagahasa sa dalaga.