CAMP SIMEON OLA, Legazpi City – Pasko ni kamatayan ang sumalubong sa paglalaro ng isang 13-anyos na batang lalaki matapos barilin sa ulo ng sariling ama sa Barangay Pinada, Calabanga sa Camarines Sur, kamakalawa ng hapon.
Sabog ang bao ng ulo at nagkalat ang utak ng biktimang si John Gil Catimbang, samantala, ang suspek na kaagad naman sumuko sa mga opisyal ng barangay may ilang oras matapos ang krimen ay kinilalang si Rodolfo Catimbang, 38, biyudo at kapwa residente ng nabanggit na barangay.
Napag-alamang mag-isang nagdaos ng Kapaskuhan ang suspek sa loob ng kanilang bahay na nagpakalango sa alak.
Ganap na alas-3 ng hapon nang lumabas ng kanilang bahay na lango na sa alak at nang mamataan ang anak na lalaki na nakikipaglaro sa ibang bata ay bigla nitong nilapitan at binaril sa ulo.
May posibilidad na narindi ang suspek sa ingay ng kanyang anak na naglalaro kaya pinatahimik ito.
Matapos ang pamamaril ay kaagad naman na tumakas ang suspek, subalit dakong alas-6:45 ng gabi ay nagtungo sa bahay ng kanilang barangay captain at isinuko ang kanyang sarili.
Sa kasalukuyan inihahanda na ng mga awtoridad ang pagsasampa ng kasong parricide laban sa suspek na nakakulong sa himpilan ng pulisya.