CAMP VICENTE LIM, Laguna – Hindi na sinikatan ng araw ang isang kilalang fashion designer kung saan natagpuang patay sa loob ng kanyang bahay sa Barangay 2 sa bayan ng Pagsanjan, Laguna noong Sabado ng gabi.
Kinilala ni P/Senior Supt. Felipe Rojas, Jr., Laguna police director, ang biktimang si Ernesto “Ernest” Santiago, 68, ng Rizal Street sa nabanggit na barangay.
Si Santiago ay miyembro ng Fashion Designers Association of the Philippines at kasamahan ng kapwa sikat na designers na sina Pitoy Moreno, Ben Ferrales, Christian Espiritu at Rudy Fuentes noong dekada 70s.
Ayon sa ulat, bandang alas-10 ng umaga nang madiskubre ng stay-out house cleaner na si Paulo Herrera ang bangkay ng kanyang amo bandang alas-10 ng umaga
Sa pagsusuri ng Scene of the Crime Operatives (SOCO), nagtamo ng sugat sa ulo ang biktima matapos paluin ng matigas na bagay.
“Huling namataang buhay ang biktima na nag-Simbang Gabi bandang alas-4 ng madaling-araw ng linggo,” pahayag ni Rojas
“Kung totoo ang statement ng mga witness, posibleng nangyari ang krimen sa pagitan ng alas-4 ng madaling-araw hanggang bago mag-alas-10 ng umaga,” dagdag pa ni Rojas.
Pagnanakaw o robbery with homicide ang anggulong tinitingnan ng mga awtoridad matapos madiskubreng nawawala ang mga mamahaling alahas ng biktima kasama na ang hindi pa malamang halaga.