Pitong college student na kumukuha ng kursong Electrical Engineering ang iniulat na nakuryente makaraang mapadikit sa nabuwal na poste ng kuryente sa Barangay Aga nan, Iloilo City, kamakalawa.
Batay sa ulat na nakarating sa Camp Crame, dalawa sa mga estudyanteng nasa kritikal na kondisyon ay sina Mark Que at Mark Rodriguez na kapwa 4th year college sa Central Philippine University at ngayon ay nasa Iloilo Mission Hospital.
Bukod sa nakuryente, nasugatan din ang ulo ni Que nang matamaan ito ng poste na gawa sa bakal.
Ayon sa imbesti gasyon, bandang alas-9 ng umaga habang inaayos ng mga biktima ang search light ng basketball court sa campus ng nabanggit na unibersidad para sa nakatakdang outreach program ng maganap ang insidente.
Sa pahayag ng mga nakasaksi, bigla na lamang nabuwal ang poste na pinagkakabitan ng mga linya ng kuryente at hindi na nagawang makaiwas ang mga biktima.
Kasalukuyang inaayos na ng mga tauhan ng Iloilo Electrical Corporation ang nabuwal na poste habang patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya kung may pananagutan ang nasabing kompanya.