17 NPA rebel, sympathizer sumuko
Umiskor ang anti-insurgency campaign ng pamahalaan makaraang magsisuko sa tropa ng mga sundalo ang 17 miyembro at sympathizers ng rebeldeng New People’s Army sa magkakahiwalay na insidente sa Sorsogon at Leyte, ayon sa opisyal kahapon.
Ayon kay Army Spokesman Lt. Col. Ernesto Torres Jr., bandang alas-10 ng umaga kamakalawa nang maunang magsisuko ang may 14 sympathizers ng mga rebeldeng komunista sa Barangay Banate, San Isidro, Leyte.
Ang mga ito ay sumuko sa Bravo Company ng Army’s 19th Infantry Battalion, 8th Infantry Division bitbit ang kanilang mga armas.
Isinurender rin ng mga ito ang kanilang mga ar mas na kinabibilangan ng 11 caliber .38 revolvers, dalawang caliber. 22 revolvers at isang homemade shotgun.
Bandang alas-3 naman ng hapon kamakalawa ng sumuko ang tatlong miyembro ng Front Committee Jaylo ng New People’s Army sa 9th Infantry Battalion Special Operations Team na pinamumunuan ni 2nd Lt. Alexander Sazon sa Brgy. Calpi, Pilar, Sorsogon.
Kasalukuyan nang isinasailalim sa masusing tactical interrogation ang mga nagsisukong rebelde habang itinurnover naman sa mga opisyal ng barangay ang sumukong mga sympathizer ng communist movement. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending