Pulis-kotong dinakma ng NBI
CAVITE – Bumagsak sa kamay ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang police station commander na maliwanag na lumabag sa programang “Mamang Pulis” ni PNP Chief Director General Avelino Razon Jr. dahil sa pangongotong sa mga bus operator sa isinagawang entrapment operation sa Barangay Manggahan, General Trias, Cavite kahapon ng umaga.
Pormal naman kinasuhan nina Tagaytay NBI chief Atty. Abdulgani A. Benito at NBI investigator Jocel Banget, ang suspek na si SPO4 Roberto Lanzaga matapos madakma sa isang videoke bar na kanyang pag-aari sa nabanggit na barangay.
Sa impormasyong nakalap ng PSN, noong Pebrero 2007 ay nagsimulang tarahan (kotong) ng P30,000 kada buwan ni SPO4 Lanzaga ang mga operator ng may 30 pampasaherong bus sa may rutang Manggahan, Indang, Trece patungong Baclaran.
Dahil sa karagdagang P20,000 na ipinatong ng suspek sa naunang malaking halaga na may kabuuang P50,000 ay umangal at nagreklamo na ang mga operator ng pampasaherong bus subalit pinagbantaan sila na may mangyayaring ‘di-inaasahan kapag hindi naibigay ang nasabing halaga.
Sa opisina ng NBI sa Tagaytay City, idinulog ang reklamo ng mga operator hanggang sa isagawa ang entrapment operation matapos na maaktuhang inaabot ng isang operator ng bus ang malaking halaga kay SPO4 Lanzaga sa loob ng videoke bar sa nabanggit na barangay.
Nabatid pa na habang sinusulat ang balitang ito, nagpaabot ng karagdagang impormasyon ang source ng PSN na tinatangkang aregluhin at arburin ng isang opisyal ng pulis-Cavite ang kaso ng suspek na kasalukuyang nakakulong subalit tinanggihan ito ng mga tauhan ng NBI. (Mhar Basco)
- Latest
- Trending