CAMP CRAME - Isang doktor ang kumpirmadong nasawi habang lima pa ang nailigtas kabilang ang isang Kano matapos ma-trap sa kuweba ng 20-oras sa Barangay Gaas, Balamban, Cebu noong Biyernes ng umaga. Sa ulat, dakong alas -9 ng umaga pa noong Biyernes nang pumasok sa loob ng makipot na walang lagusang yungib ang expedition team para sana sa 3-araw na mapping at exploration. Ayon sa ulat, si Dr. Adolf Espina ang iniulat na nasawi matapos na masira ang kagamitan nito nang pumasok sa nasabing yungib na halos walang hanging pumapasok. Si Espina, 36-anyos, isang ophthalmologist, isa sa mga trainor ng grupo at kilala sa expedition sa mga yungib sa loob ng may sampung taon ay nakabitiw sa lubid at nahulog sa may 56 metro sa ilalim ng kuweba. Ang bangkay ni Dr. Espina ay natagpuan ng search and rescue team dakong alas-6 ng umaga kahapon. Kabilang naman sa mga nailigtas ng search and rescue team na pumasok sa kuweba dakong alas-11 ng gabi ay si Charles Sestersen na nailabas bago mag-alas-7 ng umaga pagkaraang ma-trap sa yungib. Sa pahayag ni Merks Certifico, isa sa 6-man exploring team, pumasok sila sa kuweba upang mabatid kung ito ang pinakamalalim na kuweba sa bansa. Sa isang radio interview, sinabi ni Balamban Mayor Alex Binghay, pinasok ng expedition team ang naturang kuweba upang malampasan ang world record na nakuha ng isa ring team sa yungib ng Sagada na may lalim na 150 metro. Joy Cantos