Ama tinodas ng anak

BUTUAN CITY – Dahil sa problema sa pera, tinaga at napatay ng isang babae ang sarili niyang ama sa loob ng kanilang bahay sa Purok 4, Duangan, Esperanza, Agusan del Sur kamakalawa ng gabi.

Kinilala ng Caraga Police ang biktima na si Jeremias Tawon, 59, magsasaka.

Kusang sumuko sa mga awtoridad ang suspek na si Jackylou Tawon, 24, may asawa at residente ng naturang lugar.

Lumilitaw sa pangunang imbestigasyon ng pulisya na, bago naganap ang krimen, nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang mag-ama hanggang sa dumampot ng patalim ang suspek at  tinaga ang biktima sa mukha at katawan nito.

Sinasabing ang ilang taon nang problema nila sa pananalapi ang pinag-awayan ng mag-ama.

Nagtamo ng mga malalim na sugat sa  kaliwang leeg at kaliwang dibdib ang biktima na ikinasawi nito.

Sumuko naman ang babae kay Barangay Duangan Chairman Elvie Batoyand. Dinala siya sa  Esperanza Municipal Police Office para paghandaan ng kaukulang demanda. (Ben Serrano)

Show comments