BATANGAS – Nauwi sa kamatayan ang pakikipamiyesta ng tatlong kababaihan makaraang malunod nang tumaob ang sinasakyang banka sa lawa ng Taal sa bayan ng Talisay, Batangas habang nasa kasagsagan ng bagyong Mina noong Martes ng gabi.
Kabilang sa mga nasawi ay sina Josie Rabor, Meann Hernandez, kapwa residente ng Barangay Ambulong, Tanauan City at si Helen Hernandez ng Malvar, Batangas.
Ayon sa ulat na isinumite kay P/Senior Supt. David Quimio, Batangas police director, naganap ang trahedya bandang alas-7 ng gabi matapos dumalo sa piyesta ng Barangay Bignay ang mga biktima na kabilang sa 39-katao na sakay ng dalawang bangka.
Nakilala naman ang dalawang may-ari ng bankang paupahan na Aljin at Boat 409 na sina ex-Brgy. Chairman Virgilio Tenorio at Jun Arboleda.
Napag-alamang naglalayag na ang mga biktima patungo ng Barangay Sta. Maria sa Talisay nang hampasin ng malalakas na alon at hangin hanggang sa tumaob ang kanilang sinasakyang bangka sa gitna ng Taal Lake.
Habang isinusulat ang balitang ito, sa 39 na sakay ng dalawang bangka, 30 na ang nailigtas ng mga rescue team, anim pa ang nawawala at tatlo ang naiulat na namatay.
Patuloy pa rin ang paghahanap sa mga nawawalang biktima matapos humingi ng ayuda ang local na pamahalaan sa Philippine Coast Guard para sisirin ang lawa ng Taal.
Ang Batangas ay kabilang sa talaan na signal #1 ng PAGASA bunga ng pagbabalik ng bagyong “Lando”.