QUEZON — Binaril at napatay ang isang 38-anyos na magsasaka ng isa sa mag-utol na lalaki makaraang magtalo sa pagdating ng bagyong “Mina” sa naganap na panibagong karahasan sa Barangay Cabatang, Dolores, Quezon kamakalawa. Tinamaan ng bala sa dibdib ang biktimang si Franklin Moneda y Sumigue, 32, habang tugis naman ng pulisya ang mag-utol na suspek na sina Joey at Jerry de Villa. Sa imbestigasyon ng pulisya, magkasamang nag-iinuman ang tatlo nang sumiklab ang matinding pagtatalo kaugnay sa pagdating ng bagyo hanggang sa mapikon ang mag-utol kaya pinaslang ang biktima. (Tony Sandoval)
Pulis namaril sa videoke bar
CAVITE — Patay ang isang 44-anyos na lalaki habang dalawa iba pa ang nasugatan makaraang mamaril ang isang pulis sa loob ng videoke bar sa Barangay Molino 2, Bacoor, Cavite kahapon ng madaling-araw. Kinilala ng pulisya ang nasawing biktima na si Rogelio Jornadal, samantalang sugatan naman sina Emily Orido, 40; Luzviminda Careon, 41 at Eunice Carreon, 11. Tugis naman ng mga awtoridad ang suspek na pulis-Bacoor na si PO1 Philip Salvador Ernino. Ayon sa ulat, bago pumasok ang suspek sa Yungib Videoke Bar, ay iniwan nito ang baril sa biktima para jumingle. Nang lumabas ng palikuran ay kinuha ng suspek ang kanyang baril at sa hindi nabatid na dahilan ay sumiklab ang kaguluhan hanggang sa duguang bumulagta ang biktima habang tinamaan naman ng ligaw na bala ang tatlo. (Cristina Timbang)
8 sugatan sa shotgun ng sekyu
CAMP CRAME – Walo-katao kabilang ang dalawang Briton ang iniulat na nasugatan makarang pumutok ang shotgun ng security guard sa pantalan ng Barangay Sta. Fe, Bantayan Island sa Cebu kamakalawa. Kabilang sa mga nasugatan ay sina Niphi Simon Pratt, 25; Jessie Anderson, 23; PO1 Henry Asentista, 37, ng Madridejos PNP; mga pedicab drayber na sina Mario at Relito Villaruel, Christorey Monteadora, Romeo Escaran Jr. at si John Paul Ilustrisimo, 21. Nahaharap naman sa kasong kriminal ang suspek na si Jesus Esgno Ango, 26, security guard ng Superlight Security Agency. Ayon kay SPO4 Felix Lapera, kasalukuyang pinipigilan ng suspek ang mga pumapasadang pedicab na makapasok sa loob ng pier nang aksidenteng pumutok ang dala-dala nitong shotgun at tinamaan ang mga biktima. (Joy Cantos)