Brutal na kamatayan ang sinapit ng isang batang lalaki matapos dukutin ay pinugutan at kinatay pa ng dalawang miyembro ng kulto kahapon sa bayan ng Basilisa, Dinagat Province, ayon sa ulat.
Ang bangkay ng biktimang si Cedie Estoconing, 7, ay natagpuan sa creek na sakop ng Barangay Diegas na walang ulo, kaliwang tuhod at ang lamanloob nito ay nawawala.
Sa salaysay ni Rosamarie, nawawala ang kanyang anak noong pang Linggo ng Ok tubre 21 kaya ipinagbigay-alam niya sa kinauukulan.
Ayon pa sa ulat, lumapit kay Rosamarie, ang dalawang suspek na sina Narciso Barrientos, 54 at Fermin Abear, 23, para hulaan ang kinaroroonan ng biktima kapalit ng P10,000.
Sa pahayag ni SPO2 Ruben Piodo, deputy chief of police sa bayan ng Basilisa, inamin naman ng mga sus pek na dinukot nila ang bata para ipatubos sa ina sa halagang P10,000 subalit hindi nila akalaing mamamatay sa loob ng sako ng charcoal.
Nabatid na kinuha ng mga suspek ang internal organ ng bata para ibigay sa isang alyas Allan Nadunza na gagamiting ‘gayuma’.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, ilang araw matapos madiskubre ang krimen, isang 10-anyos na bata ang nakasaksi sa dalawa na tinatakpan ng mga dahon ng saging ang bangkay ng biktima malapit sa bahay ng mga suspek.
May teorya ang pulisya na ang mga suspek ay miyembro ng kulto na gumagamit ng ‘gayuma’. Nakatakdang kasuhan ng pulisya ang mga suspek na napaulat na may mga kaso ring kinasasangkutan sa iba’t ibang lalawigan.