PJ corres, kinasuhan ng harassment
OLONGAPO CITY - Isang tabloid correspondent at radio reporter na nakabase sa Olongapo City ang inireklamo sa himpilan ng pulisya ng isang operator ng peryahan sa Barangay East Bajac-Bajac dahil sa panghaharass at panggigipit kaugnay sa hinihinging P20,000 tara nito, ayon sa ulat.
Sa sinumpaang salaysay kay SPO4 Mar Sapad ng Olongapo City Police Office, ibinunyag ni Avelino Menor, 37, ang panghaharas ng isang local correspondent ng Journal Group (People’s Journal, People’s Tonight) at reporter ng radio station dzXL na nakabase sa nabanggit na lungsod na si Johnny Reblando, noong Oktubre 30, 2007.
Ayon kay Menor, pumayag siya na bigyan si Reblando sa hinihingi nitong P20, 000.00 sa loob ng isang buwan kapalit ng malayang operasyon ng peryahan kung saan noong Ok tubre 15 ay unang tinanggap ng nasabing reporter ang P10,000 at ang kalahati ay sa susunod na Nobyembre 15.
Subalit nagulat na lamang si Menor nang tumawag si Reblando sa kanya noong Oktubre 30 at kinukuha na ang natitirang balanse na P10,000 pero nakiusap siya na sa susunod na araw na lamang ibibigay dahil wala siyang hawak na pera.
Napag-alamang apat na ulit nag-text si Reblando kay Menor kaugnay sa pagpapasara ng kanyang negosyo dahil hindi naibigay ang nasabing halaga.
Lumipas ang ilang araw ay lumabas ang tatlong storya ni Reblando sa People’s Journal noong Nobyembre 2, 3 at 4 ang operasyon ng peryahan ni Menor kung saan idinawit nito ang mga opisyal ng pulisya sa Olongapo City at mga mamamahayag na nakabase sa Freeport Zone at Olongapo City bilang protektor ng nasabing mga peryahan.
Ang nasabing reklamo ni Menor ay pormal ng iniakyat ng pulisya sa tanggapan ng Olongapo City Prosecutors Office para sa ihahablang kaso laban kay Reblando.
Hindi naman nakapagbigay ng kanyang panig si Reblando para sagutin ang akusasyon ni Menor. Jeff Tombado at Alex Galang
- Latest
- Trending




















