CAMP CRAME – Inihabol pa ni kamatayan sa pagsapit ng Undas, ang limang sibilyan, habang dalawa pa ang nawawala makaraang lumubog ang isang pampasaherong bangka sa karagatang malapit sa Isla Pilar na nasasakupan ng Camotes Island group sa Cebu at Carican sa Sorsogon, ayon sa ulat kahapon.
Sa ulat na nakarating kahapon sa Office of Civil Defense (OCD) na pinamumunuan ni Administrator Glenn Rabonza, kabilang sa mga namatay na pasahero ay sina Lyza Godenis, 32; Edcel dela Cruz, 10; at Ming Ming Omolon, 50.
Nawawala naman hanggang sa kasalukuyan sina Edgar dela Cruz, 34 at Warlie Godenis,10.
Samantala, ang mga nakaligtas naman ay kinabibilangan ng 15 tripulante ng M/V Anton 2 at mga pasaherong sina Lilia Lorejas, Lyza dela Cruz, Mariel Amistoso, Rosselle Maagok at Mary Ann Orinaga.
Sa inisyal na ulat, bandang alas-5 ng hapon noong Miyerkules nang lumubog ang M/V Anton 2 sa bahagi ng Camotes Island may apat na oras matapos umalis sa pantalan ng Danao City, Cebu.
Napag-alamang aabot sa 12 pasahero at 15 tripulante ang lulan ng bangka kung saan pito sa mga pasahero at lahat ng tripulante ang nakaligtas habang dalawa pa ang nawawala.
Lumilitaw sa ulat, binalya ng malaking alon at ihip ng hangin ang bangka habang nagmamaniobra kaya tumagilid ito hanggang sa tuluyang lumubog.
Sa kaugnay na kaganapan, apat namang mangingisda ang iniulat na nawawala makaraang lumubog ang bangkang pangisda na may lulang 13 tripulante sa karagatan ng Carican, Sorsogon, ayon sa mga opisyal kahapon.
Patuloy naman ang search and rescue operations ng pi nagsanib na elemento ng Philippine Coast Guard at Philippine Navy sa mga nawawalang mangingisda. (Joy Cantos at may dagdag ulat ni Garce dela Cruz)