3 mangingisda niratrat sa laot
BACOLOD CITY, Negros Occ. – Tatlong mangingisda na lulan ng bangka ang iniulat na nawawala makaraang ratratin ng mga ‘di-kilalang kalalakihan sa karagatang sakop ng Cauayan, Negros Occidental at Borisan Island, Guimaras sa naganap na karahasan noong Miyerkules (Oktubre 17), ayon sa ulat ng pulisya kahapon.
Sa ulat ni P/Senior Supt. Modesto Sanson, Guimaras provincial police director, nakilala ang mga biktima na sina Vivencio Basco, dalawang anak nitong sina Marvin, 17; at Gino, 20, pawang naninirahan sa bayan ng Nueva Valencia, Guimaras.
Ayon pa kay Sanson, posibleng nag-ugat ang insidente sa matinding awayan ng mga mangingisda, subalit hindi rin iniaalis ang anggulong kapwa mangingisda ang gunmen mula sa Negros Occidental o kaya sa Guimaras kung saan may mga ulat na lumabas na ang mga suspek ay pirata.
Napag-alaman na ang bangka ng tatlo ay tadtad ng bala ng baril matapos na matagpuan ng mga mangingisdang nag-ulat naman sa himpilan ng pulisya sa bayan ng Nueva Valencia sa Gui maras.
Idinagdag pa ni Sanson, na posibleng may nasagasaang lambat ang bangka ng tatlo sa karagatan kaya gumanti naman ang may-ari nito.
Nakipagtulungan na ang PNP Maritime Command sa mga pulis-Guimaras para nahapin ang mga biktima. (Toks B. Lopez)
- Latest
- Trending