Pekeng dentista dinakma sa kasong rape
CAMP VICENTE LIM, Laguna – Kalaboso ang binagsakan ng isang pekeng dentista makaraang arestuhin ng pulisya sa kasong rape laban sa isang 16-anyos na babae sa San Pablo City, Laguna kamakalawa ng umaga.
Pormal na kinasuhan habang nakapiit ang suspek na si Arnel Calabon, 38, ng Barangay del Remedio, San Pablo City, Laguna.
Ayon kay P/Senior Supt Felipe Rojas, Jr, Laguna police director, dinakip si Calabon matapos magreklamo sa himpilan ng pulisya ang biktimang itinago sa pangalang Ara ng Barlete Subd. sa Barangay VI-E, San Pablo City.
Sa salaysay ng ina ng biktima, magpapaayos sana ng metal brace ang kanyang anak kay Calabon nang paghihipuan nito ang dalagita sa maseselang parte ng katawan habang nasa loob ng klinika.
Napag-alamang hindi pa nakuntento ang suspek sa ginawa hanggang sa dinaliri pa nito ang dalaga na nagbunsod para maghain na ng reklamo sa pulisya.
Sa pagsisiyasat, napag-alaman pang peke ang nasabing dentista matapos mabigong makapagpakita ng mga dokumento na nagpapatunay na isa nga siyang doctor. Arnell Ozaeta
- Latest
- Trending