Sulyap Balita

Empleyada ng mall pinilahan

CAVITE – Naigupo ng anim na kalalakihan ang banderang pula ng isang 19-anyos na emplayada ng mall makaraang pilahan  sa loob ng apartment sa Barangay Apalan 1, Imus, Cavite kamakalawa. Pormal namang dumulog sa himpilan ng pulisya ang biktimang residente ng Barangay Tanzang Luma para ireklamo ang mga suspek na sina Daryl Dino Diquino, 20, kasamahan ng biktima sa mall; Ariel De La Cruz Tañite, 19; Edison De Quiroz Camat, 21; Ralph Ian Mascardo Bella, 20; Theramil Calimutan Camat, 19; at si Leonard Catalin Manabat, 24. Ayon kay PO1 Wilfreda Eleazar, isinakay ng mga suspek ang biktima sa traysikel at dinala sa naturang lugar kung saan pinilit na painumin ng alak saka isinagawa ang rape.

Samantala, nang nakarating ang balita sa mga utol ng biktima na sina Randolf, Reus at Alfredo ay ginantihan at napatay ang isa sa pinaniniwalaang kasamahan ng mga suspek na si Mark Jason Paredes. (Cristina Timbang)

3-katao nilikida ng RHB

CAMP  OLIVAS, Pampanga  –  Tatlo-katao ang iniulat na pinagbabaril hanggang sa mapatay ng mga miyembro ng  Rebolusyunaryong Hukbong Bayan (RHB) sa Magalawa Island, Palauig, Zambales, noong Miyerkules ng hapon. Sa pinarating na ulat ni P/Senior Supt. Arrazad Subong, provincial police director, nakilala ang mga biktima na sina James Andrada, Romel Aledo at Gleen Aledo,  pawang naninirahan sa nabanggit na bayan. Ang tatlo ay inimbitahan ng RHB sa pagpupulong bago isinagawa ang pamamaslang. Ginamit ng grupong RHB, ang tatlong banka na pag-aari ng mga residente para makatakas. (Ric Sapnu)

Barangay kagawad itinumba

OLONGAPO CITY—Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang 44-anyos na barangay kagawad ng mga di-kilalang kalalakihan habang ito ay nagpapahinga sa loob ng kanilang  tahanan sa Barangay Naugsol, Subic, Zambales noong Mi­yerkules ng gabi. Kinilala ng pulisya ang biktimang si Ar­mando Jimenez ng Purok 1, Barangay Naugsol sa nabanggit na bayan. Si Jimenez na ayon sa inteligence report ng pulisya ay sumusuporta sa mga rebeldeng New People’s Army ay maghain ng kanyang kandidatura noong Oktubre 15 para sa barangay at SK elections kung saan ang kanyang kapatid ay kumandidato naman bilang barangay chairman. (Jeff Tombado)

Show comments