TRECE MARTIRES CITY, Cavite - Idineklarang ligtas ang proyektong sanitary landfill ng Cavite matapos magpalabas ng Environmental Compliance Certificate (ECC) ang Department of Environment and Natural Resources sa Environsave, ang kompanyang nangangasiwa sa proyekto.
Tiniyak naman ni Cavite Gob. Ayong Maliksi, na ang proyekto ay dumaan sa masusing pag-aaral, gayundin ang lugar na pagtatayuan at teknolohiyang gagamitin sa pagpapatakbo nito alinsunod sa itinakda ng Republic Act 2003 (Ecological Solid Waste Management Act).
Sinabi din ni Gov. Maliksi, na tanging basura ng tatlong lungsod at dalawampung bayan ang mapupunta sa landfill, taliwas sa alegasyon ng militanteng grupo na mga nakalalasong basura mula sa Japan ang itatapon dito.
Ipinaliwanag ni Maliksi ang nilalaman ng ECC na nilagdaan noong ika-26 ng Setyembre, 2007 ni Environmental Management Bureau RO No. IV – CALABARZON Regional Director Allan L. Leuterio kung saan nakasaad na ang Sanitary Landfill ay may kakayahang maglaman ng 800 metrikong tonelada ng non-toxic/non-hazardous residual wastes araw-araw.
Ang proyektong Sanitary Landfill at Materials Recovery Facility ay nakatakdang itayo sa 216,572 metro kwadradong lupain na nasa isang malayong quarry area sa Barangay Sapang I, Ternate. Ginarantiyahan ng Provincial Environment and Natural Resources Office at Regional Tourism Office, na ang naturang lugar ay hindi sakop ng idineklarang National Park, taliwas sa sinasabi ng mga militanteng grupo. Ayon naman sa ulat ng DENR Mines and Geosciences Bureau noong Pebrero 14, 2006 at nilagdaan ni Regional Director Atty. Anselmo C. Abugan, ang lugar ay angkop sa proyektong sanitary landfill.
Samantala, sinabi ni Engr. Rolino Pozas ng Provincial Government-Environment and Natural Resources Office na dapat maipaunawa sa mga mamamayan kung ano ang sanitary landfill at ang pagkakaiba nito sa karaniwang tambakan ng basura upang maiwasan ang pangamba na ang itatayo sa Cavite ay tulad din ng ibang dumpsite sa Pilipinas. (Arnell Ozaeta)