BATAAN – Dalawang estudyante ng Bataan Polytechnic State University (BPSU) ang iniulat na nasawi makaraang masalpok ng pampasaherong mini-bus ang motorsiklo ng dalawa sa harapan ng Villa Imperial Resort sa Roman Highway na sakop ng Barangay Lucanin sa bayan ang Mariveles, Bataan kamakalawa ng gabi. Kinilala ni P/Insp. Sonia Alvarez, ang mga biktimang sina Reylan Paule, 18, 1st year Information Technology student ng BPSU at Tristan Joy Cerezo, 19, 2nd year Nursing student ng naturang unibersidad at kapwa residente ng Barangay Cabcaben, Mariveles. Sumuko naman sa pulisya ang drayber ng bus (CVC-5970) na si Nelson Quicho ng Barangay Daan Pare, Orion, Bataan. Napag-alamang magkaangkas ang dalawa sa motorsiklo nang mahagip ng bus habang papalabas ng nasabing resort. (Jonie Capalaran)