OLONGAPO CITY — Nasabat ng mga tauhan ng Land Transportation Office (LTO) at mga pulis-Olongapo City ang isang luxury sports car na nagkakahalaga ng P5 milyon matapos ipuslit mula sa Subic Freeport kamakalawa ng madaling-araw.
Ayon sa ulat, ang pagkumpiska sa kulay itim na Porsche convertible sports car na may pekeng plakang ZHA-798 ay nasakote rin ang drayber na si Karlo L. Geneta, 19, ng #27 Handel corner Verdi Ideal Subd., Fairview, Quezon City.
Nasabat ang nasabing puslit na sasakyan sa tinayong checkpoint sa kahabaan ng highway na sakop ng Brgy. Old Cabalan, Olongapo City.
Nang sitahin ng mga awtoridad ay nagpakita naman ng mga dokumento si Geneta subalit nang beripikahin ay pawang peke maging ang plaka na ikinabit.
Habang iniimbestigahan ng pulisya, inamin naman ng suspek na binigyan siya ng P1,500 para dalhin sa Maynila ang nasabing sasakyan na pag-aari ng dating opisyal ng Comelec.
Napag-alaman sa ulat na mula sa yarda ng Global (Subic) International Inc., sa loob ng Subic Freeport ang nasabing kotse na dumating noong Oktubre 5, 2007 mula sa USA.
Tugis naman ng mga awtoridad ang dalawa pang SUV’s na ipinuslit mula sa Subic Bay Freeport Bay. Jeff Tombado