CAMP CRAME — Apat-katao ang iniulat na nasawi habang isa pa ang nasa kritikal na kalagayan makaraang salpukin ng ten-wheeler truck ang pampasaherong traysikel sa Maharlika Highway sa bayan ng Tiaong, Quezon noong Biyernes.
Kabilang sa mga namatay ay sina Arwin Evangelista, drayber ng traysikel; Eric Colarina, Dante Manalo at si Edil de Villa na pawang residente ng bayang nabanggit. Patuloy na ginagamot sa San Pablo Medical Hospital sa San Pablo City, Laguna, ang sugatang pasahero na si Carlos Castillo.
Batay sa ulat ng pulisya, naganap ang sakuna sa nabanggit na highway sa Barangay Lalig dakong ala-una y media ng madaling-araw.
Napag-alamang bumabagtas sa nasabing lugar ang Fuso truck na minamaneho ni Pacio Balcio nang masalpok ang traysikel.
Nahaharap ngayon sa kasong kriminal ang truck drayber na ikinulong na sa himpilan ng pulisya sa bayan ng Tiaong para panagutan ang krimen. Joy Cantos at Tony Sandoval