Asasinasyon kay Gov. Panlilio, nasilat
PAMPANGA — Pinaniniwalaang nasilat ang tangkang asasinasyon laban kay Gov. Eddie Panlilio makaraang mapigilan ng mga security personnel ang isang 30-anyos na lalaking may hawak na patalim at papalapit sa nasabing opisyal sa lobby ng provincial capitol kahapon ng umaga.
Kinilala ang suspek sa alyas na Eusebio na residente ng Barangay Sta. Lucia sa bayan ng Macabebe, Pampanga, na naunang lumapit at humingi ng tulong sa isang reporter ng local na television station na si Leslie Manalo.
Napag-alamang nakiusap ang suspek kay Manalo na kung maari ay makausap niya si Gov Panlilio para humingi ng tulong pangkabuhayan.
“Intayin nating matapos ang flag ceremony at may ilang personnel sa ikalawang palapag ng kapitolyo na mag-aasikaso sa inyo,” pahayag ni Manalo sa suspek.
Matapos ang flag ceremony ay nilapitan at kinapanayam ni Manalo si Gov Panlilio, subalit natanaw niya ang suspek na papalapit sa likuran ng opisyal na may hawak na patalim.
Hindi naman malaman ni Manalo kung papaano magre-react habang papalapit ang suspek na may dalawang talampakan na lamang ang layo kay Gov. Panlilio. Naging alerto naman ang mga security personnel ni Gov. Panlilio at naharang ang suspek bago dinala sa local na himpilan ng pulisya para isailalim sa masusing imbestigasyon. Subalit pinalaya rin ang suspek matapos na malaman ng pulisya na may kapansanan sa pag-iisip at walang planong saktan ang nasabing gobernador.
Ang suspek ay isa lamang sa libu-libong resi dente na nagtitipun-tipon sa kapitolyo para makilahok sa inilunsad na “white ribbon campaign,”
Nabatid na hindi na nagsusuot ng bullet-proof vest si Gov. Panlilio matapos ang May 14 elections dahil na rin sa nakaambang asasinasyon sa kanya.
- Latest
- Trending