Olongapo City — Limang miyembro ng kilabot na Budol-budol gang ang nasakote ng pinagsanib na puwersa ng Intelligence and Investigation Branch at City Mobile Group ng Olongapo City Police Office sa isinagawang entrapment operation sa Barangay East-Bajac-Bajac sa lungsod na ito kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni OCPO Director P/Sr, Supt. Abelardo Villacorta ang mga suspek na sina Clark Mirana, Nathaniel M. Dagan, Angelo Recopero at ang magkapatid na sina Walter at Willy Visda, kapwa naninirahan sa Iram Resettlement Area, Barangay Old Cabalan, Olongapo City.
Ayon kay Villacorta, nadakip ang mga suspek sa isang entrapment operation bandang alas-3:00 ng hapon noong Sabado sa isang kilalang fast-food chain sa may Ulo ng Apo rotonda sa nasabing lugar habang ang mga ito ay nasa aktong nagbebenta ng ilang pirasong huwad na gold bars sa halagang P2 milyon sa hindi na pinangalanang biktima.
Agad na nagpulasan ang tatlong suspek sa lugar subalit mabilis namang nadakip ang mga ito sa may Barangay Mangan-Vaca, Subic, Zambales sa naganap na hot-pursuit operation sa pakikipag-ugnayan sa Subic Police Station sa pangunguna ni P/Supt. Cesar Jacob.
Nakuha sa grupo ang tatlong pirasong pekeng “gold bars” na tumitimbang ng 12-kilo at umanoy ibinebenta sa halagang P4-milyon sa kanilang buyers.
Nabatid pa kay Villacorta na ang grupo na kumikilos sa Olongapo at Zambales ay itinuturong sangkot din sa pagpaslang sa isang Engineer Dante Soriano ng Subic noong Agosto na kanilang naging biktima habang nasa kalagitnaan ng pagbebenta ng pekeng bara ng ginto.
Nagbabala naman si Villacorta sa mamamayan na maging mapagmatyag sa modus operandi ng sindikato na nangungumbinsi ng biktima sa pamamagitan ng pag text sa cell phone at aalukin ang kanilang ibinebentang bara ng ginto at agad na sisibat kapag ito ay naibenta na. (Jeff Tombado)