CAMP SIMEON OLA, Legazpi City — Isang empleyado ng Provincial Prosecutors Office ng Masbate ang nasawi matapos pagbabarilin ng tatlong mga ’di-nakikilalang mga suspek habang nakasakay sa isang pampasaherong bus kamakalawa ng gabi sa Sitio Buri, Barangay Gangao, Baleno, Masbate.
Nakilala ang biktima na si John Lacheca, 41, may asawa at residente ng Barangay Lahong, Baleno.
Ayon sa ulat ng pulisya, nakasakay ang biktima sa Baby Fling bus para sa pag-uwi nang lapitan siya ng mga suspek.
Ang mga suspek ay kaagad naman na nagsibaba at mabilis na sumakay sa isang motorsiklo na nakaparada sa tabi ng kalsada patungo sa direksyon ng Masbate City.
Malaki ang paniniwala ng mga awtoridad na ang biktima ay matagal nang minamatyagan ng mga suspek.
Nabatid na maging ang mga pasahero ng bus ay nagtalunan palabas ng bus nang makarinig ng sunud-sunod na putok.
Narekober ng mga rumespondeng pulis ang mga basyo ng bala ng kal. 45 pis tola na ginamit ng mga suspek sa kanilang pamamaslang sa biktima. (Ed Casulla)