PAMPANGA — Tatlong batang mag-uutol ang iniulat na nasawi makaraang malunod sa swimming pool sa Barangay San Pablo, Mexico, Pampanga kamakalawa ng gabi. Kabilang sa mga namatay ay sina Giorgio, 9; Kenzo, 7 at si Flitz Gabriel Mallari, 6, pawang residente ng Sitio Talipapa, Barangay Pasig sa bayan ng Candaba. Sa ulat ng pulisya, pasado alas-10 kamakalawa ng gabi nang matagpuang lumulutang ang mga biktima sa swimming pool sa Amber Kingdom Water Park. Isinisisi ng ama ng mga biktima sa kapabayaan ng pamunuan ng nasabing resort ang pagkamatay ng kanyang mga anak na kulang na kulang ang mga ilaw sa resort at wala ring mga lifeguard. Nanindigan naman ang may-ari ng resort na may sapat silang ilaw at signal na nagpapaalala sa mga magulang ng mga bata na kailangan silang bantayan habang naliligo sa swimming pool. May nakatalaga rin anila silang lifeguard na siya pa mismong nakakita sa mga bata. Patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad. Resty Salvador
P.4M nalimas sa banko
RIZAL — Umaabot sa P.4 milyon ang natangay ng tatlong ‘di-kilalang kalalakihan makaraang pasukin at holdapin ang Rural Bank of Cardona sa kahabaan ng A. Bonifacio Street sa Barangay San Juan, Cainta, Rizal kamakalawa ng tanghali. Ayon kay P/Supt. Norberto Solomom, hepe ng Cainta police, nagpanggap na mga costumer ang tatlo bago isinagawa ang holdap. Dinisarmahan ang nag-iisang security guard ng banko na si Oscar Calumpang, 40, habang ikinulong sa loob ng kusina ang mga kawani na sina Joy Reyes, Christopher Pena at Octavio Gripal, gayundin ang manager na si Marjorie Pagcu. Napag-alamang nilimas ng mga holdaper ang nasabing halaga na nasa cashier at hindi nakuha ang pera sa vault dahil sa may time delay lock. Sa salaysay ng mga biktima, wala pa sa limang minuto ang ginawang panloloob. Edwin Balasa