GUIGUINTO, Bulacan – Rehas na bakal ang binagsakan ng lima-katao kabilang ang isang kawani ng munisipyo na nagtangkang suhulan ang pulis matapos masakote dahil sa pagkakakumpiska ng 1.5 toneladang botyang karne ng baboy noong Huwebes ng gabi.
Kinilala ni Supt. Ronald De Jesus, hepe ng pulisya ng Guiguinto, ang mga suspek na sina Ricky Bacsal, Teresa Palomar, Arnel Alvarez at Joel Tan.
Napag-alamang pag-aari ng magka-live-in sina Bacsal at Palomar ang nakumpiskang botyang karneng baboy, habang inaresto din ng pulisya si Gregorio Cardenas, isang kawani ng munisipyo ng Guiguinto matapos suhulan ng P35,000 ang mga pulis.
Napag-alamang lulan ng kulay pulang XLT closed van (CLL-471) ang nasabing kontrabando nang dumaan sa PNP checkpoint sa Barangay Pritil bandang alas-9:30 ng gabi noong Huwebes.
Nang inspeksyunin at dadalhin na sa Hiyas Agro-Commodities Center (HACC) slaughter house sa Barangay Tabang para sunugin ang karne ay dumating naman si Cardenas at tinangkang iabot ang nasabing halaga kina SPO4 Art Gatmaitan at PO3 Darly Riogleon na nag sumbong kay de Jesus sa tangkang panunuhol.
Kaagad namang ipinaaresto ni de Jesus, si Cardenas, samantalang sinertipikahan ni Dr. Ed Jose, ang Municipal Agriculture Officer ng Guiguinto na double-dead nga ang mga nakumpiskang karne.
Bukod sa mga karneng idi-deliver sana sa Maynila, nakakumpiska rin ang pulisya ng electric mixer, mga kutsilyo at electronic weighing scale mula sa mga suspek kaya’t hinihinalang gagawing longganiza at tocino ang karne. (Dino Balabo at Boy Cruz)