Mariing binatikos ng Citizen’s Anti-Crime Assistance Group (CAAG) ang pamunuan ng Maritime Training Council (MTC) dahil sa kapabayaan nitong ipatupad ang kautusan ng Malacanang na ipasara ang isang maritime foundation na nagbibigay ng pagsasanay sa mga marinong Pinoy. Ayon kay Roger Santos, pangulo ng CAAG, na patuloy pa rin ang operasyon ng maritime foundation kahit may kautusan ang Malacanang na nilagdaan ni Eduardo Ermita noong Agosto 3, 2007.Matatandaang kinuwestiyon ng PNTC Colleges sa Dasmariñas, Cavite, ang awtorisasyon ng maritime foundation sa pagbibigay ng pagsasanay sa mga marino, subalit isinaisantabi ng MTC ang reklamo nito at inayunan pa ng Department of Labor and Employment ang nasabing desisyon. Bunga nito, iniakyat ng PNTC Colleges ang reklamo sa Malacañang at matapos ang masusing imbestigasyon ay binaligtad ng Office of the President ang mga naunang desisyon ng MTC at DOLE. Sinabi pa ni Santos na kapag patuloy na uupuan ng MTC ang pagpapatupad sa kautusan ng Malacañang ay malalagay sa balag ng alanganin ang mga marinong Pinoy dahil mawawalan ng saysay ang mga sertipiko na ibinigay ng nasabing foundation.. “Sa mga ganitong problema, marapat lamang sa isang ahensya ng pamahalaan, tulad ng MTC na bigyang-daan ang tama, lalo na kung ang interes ng nakararami ay mapapahamak,” dagdag pa ni Santos.