SAN CARLOS CITY, Pangasinan — Bayolenteng kamatayan ang sinapit ng isang dating pastor ng Baptist Church at ang anak nitong lalaki makaraang ratratin ng mga ’di-kilalang kalalakihan sa loob ng kanilang tahanan sa Barangay Magtaking, San Carlos City, Pangasinan nitong Lunes ng gabi.
Kinilala ni SPO4 Jose Resultan, ang mag-amang pinaslang na si Romeo Bulatao, 46, branch manager ng motorcycle store at Dennis Bulatao, 21, binata, sales agent ng kanyang ama sa tindahan ng mga motorsiklo.
Napag-alamang magkasamang nanonood ng telebisyon sa loob ng kanilang bahay ang pamilya Bulatao kabilang ang misis ni Romeo at tatlong anak nang pasukin at pagbabarilin ng dalawang armadong kalalakihan ang matandang Bulatao.
Nang marinig ni Dennis ang sunud-sunod na putok sa sala ay agad itong lumabas ng kuwarto para saklolohan ang ama, subalit sinalubong siya ng putok ng baril.
Naisugod pa sa Blessed Doctors Hospital sa Barangay Ilang ang mag-ama subalit idineklarang patay ng doctor.
Hindi naman nakilala ang mga suspek na tumakas sakay ng motorsiklo habang nakakuha naman sa crime scene ng ilang basyo ng bala ng baril.
Sinisilip ng mga imbestigador ang motibong ‘love triangle’ na pinaniniwalaang may kinalaman sa krimen habang sinisiyasat naman ang ilang anggulo.