5 Abu Sayyaf arestado
CAMP CRAME — Limang kalalakihan na pinaniniwalaang mga bandidong Abu Sayyaf ang nalambat ng tropa ng militar sa bayan ng Indanan, Sulu kamakalawa ng gabi. Pansamantalang hindi tinukoy ni AFP Joint Task Force Comet Brig. Gen. Ruben Rafael, ang mga pangalan ng bandido habang isinasailalim pa sa masusing tactical interrogation. Bandang alas - 6 ng gabi nang salakayin ng militar ang pinagkukutaan ng mga bandido sa nabanggit na bayan at hindi na nakapalag pa ang mga suspek na armado ng malalakas na kalibre ng baril. Sa kasalukuyan ay inaalam pa ng militar kung ang mga suspek ay sangkot sa pagpatay sa 27 sundalo sa serye ng 3-araw na bakbakan sa Sulu simula Agosto 7 hanggang 9. (Joy Cantos)
Sarhento dedo sa ambus
BATANGAS – Tinambangan at napatay ang isang sarhento ng Phil Air Force ng mga ’di-kilalang kalalakihan sa Barangay Manggahan sa bayan ng Mataas na Kahoy, Batangas kahapon ng umaga. Ayon kay P/Chief Inspector Sergio Manacop, hepe ng Mataas Na Kahoy police station, ang biktimang nagmamaneho ng owner-type jeep (DST-856) patungo sa trabaho nang ratratin ay nakilalang si Sergeant Samuel Acar, 31, naka-assign sa 554th Air Police Squadron sa ilalim ng Air Education and Training Command (AETC) sa Fernando Air Base, Lipa City, Batangas Nakarekober ang mga imbestigador ng limang basyo ng baril mula sa crime scene habang tumakas naman ang mga suspek sakay ng motorsiklo. Inaalam pa rin ng mga awtoridad ang motibo ng pamamaslang. (Arnell Ozaeta)
P.27-M holdap sa bus
PAMPANGA – Tinatayang aabot sa P.27 milyong ari-arian at cash ang natangay sa mga pasahero ng aircon bus makaraang holdapin ng limang armadong sibilyan sa kahabaan ng Roman Highway sa Barangay Palihan sa bayan ng Hermosa, Bataan noong Sabado ng madaling-araw. Base sa nakalap na ulat mula sa Camp Olivas, nagpanggap na mga pasahero ang limang holdaper sakay ng Genesis Bus na may plakang TVJ-867 na minamaneho ni Joey Dela Cruz. Maging ang koleksyon ng kundoktor ng bus na si Joey Eta ay tinangay rin ng mga holdaper kung saan ang tatlo ay bumaba sa bahagi ng Barangay Salian, Abucay habang ang dalawa naman ay bumaba sa harapan ng waiting shed sa Barangay Tenejero sa Balanga City, ayon sa pulisya. (Ric Sapnu)