CAMP VICETNE LIM, Laguna – Malagim na kamatayan ang sinapit ng isang 40-anyos na misis at dalawa nitong anak na paslit makaraang pagtatagain ng sariling mister na pinaniniwalaang napraning dahil sa pagkalango sa droga sa Barangay Niugan, Cabuyao, Laguna kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ni P/Supt. Mark Edison Belarma, Region 4A-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) chief, ang kinatay na mag-iina na si Susan Zamora at dalawang anak nitong sina Rolando Jr., 4 at Rosana, 2, pawang residente ng Block 30 Lot 2 Southville ng nabanggit na bayan.
Pormal naman kakasuhan matapos na masakote ang suspek na si Rolando Zamora Sr., 39, na ngayon ay sumasailalim sa imbestigasyon sa Cabuyao police station.
Ayon sa ulat, bandang alas-4 ng madaling-araw nang mabulabog ang mga kapitbahay ng pamilya Zamora kung saan nagwala ang suspek at pagtatagain ang kanyang sariling pamilya habang natutulog sa kanilang tahanan.
Tanging hiyawan at iyakan ng mag-iina habang pinagtataga ng suspek ang narinig ng mga nagrespondeng lalaking kapitbahay kasama ang mga barangay tanod at nasukol ito ng mga operatiba ng pulisya na sumugod rin sa lugar ng krimen.
“Posibleng naburyong ang suspek dahil sa epekto ng droga at hindi pagtulog ng 48-oras, nagsasalita na hinahabol daw siya ng mga taong gustong pumatay sa kanya kaya niya pinagtataga ang kanyang pamilya na inakala marahil na masamang espiritu,” pahayag ni Belarma sa PSN
“Nasira na ang ulo ng suspek kasi pangiti-ngiti pa s’ya habang iniimbestigahan sa police station na parang balewala sa kanya ang ginawang brutal na krimen,” dagdag pa ni Belarma. (Arnell Ozaeta, Joy Cantos at Ed Amoroso)